"LIBRENG EYE SCREENING AT CHECK-UP, HANDOG NG PAMAHALAANG BAYAN NG NAGCARLAN AT PRIME SIGHT EYE CARE CLINIC"
Nagcarlan, Laguna — Isang makabuluhang programang pangkalusugan ang matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng Nagcarlan at ng Municipal Health Office, sa pakikipagtulungan ng Go Forward Foundation at Prime Sight Eye Care Clinic sa pamamagitan ni G. Rommel M. Lim. Layunin ng nasabing programa na magbigay ng libreng eye screening, check-up, salamin, at operasyon sa katarata para sa mga mamamayan ng Nagcarlan.
Umabot sa mahigit 500 residente ang nakinabang sa nasabing aktibidad na ginanap sa Municipal Multi-Purpose Gymnasium. Bahagi ito ng patuloy na kampanya ng lokal na pamahalaan upang isulong ang kalusugan at kapakanan ng bawat Nagcarleño.
Ayon kay G. Rommel M. Lim, tagapangulo ng Prime Sight Eye Care Clinic, inspirasyon niya ang kanyang kapwa taga-Nagcarlan upang ibalik ang serbisyo at tulong sa komunidad.
“Dahil ako po ay isang residente ng bayang ito, hangad kong maibahagi sa aking mga kababayan ang programang walang bayad — libreng salamin at operasyon sa mata. Ito ay patuloy naming ipagkakaloob para sa kapakinabangan ng lahat, lalo na sa mga nasa liblib na lugar,” ani Lim.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, nabigyan ng pagkakataon ang mga residente na magpasuri at magpagamot ng kanilang paningin nang walang anumang gastusin. Marami sa mga lumahok ang nagpaabot ng pasasalamat dahil nabigyan sila ng medical access na karaniwang mahirap makuha dahil sa mataas na bayarin sa mga klinika at ospital.
Lubos namang ipinahayag ng Pamahalaang Bayan ng Nagcarlan ang pasasalamat kay G. Rommel M. Lim at sa buong Prime Sight Eye Care Clinic sa kanilang taos-pusong pagtulong. Ang kanilang inisyatiba ay hindi lamang nagbigay ng libreng konsultasyon kundi pati na rin ng libreng operasyon sa mata para sa mga piling pasyente — lahat ay walang bayad.
Pinangunahan din ni Mayor Elmor Vita ang aktibidad at nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa lahat ng nakibahagi sa matagumpay na proyekto.
“Ang kalusugan ng bawat mamamayan ay isa sa aming pangunahing adbokasiya. Sa tulong ng mga katuwang tulad ng Prime Sight Eye Care Clinic, patuloy nating maihahatid ang mga serbisyong tunay na nakapagpapabago sa buhay ng ating mga kababayan,”
ani Mayor Vita.
Ang nasabing programa ay patunay ng pagkakaisa at malasakit ng pamahalaan at pribadong sektor sa paghahatid ng serbisyong medikal para sa mas malinaw na paningin at mas malusog na komunidad sa Nagcarlan.
Ulat ni Roy Tomandao
0 Comments