"PROBLEMA SA MGA PAMPUBLIKONG OSPITAL NG LAGUNA, INIISA-ISA NA! PINAGPAPLANUHAN NA DIN ANG PAG-SOLUSYON DITO"
Ni RHOY TOMANDAO
SANTA CRUZ, Laguna — Hindi na pinalampas ni Governor Marisol “Sol” Aragones- ang mga suliraning matagal nang bumabagabag sa mga pampublikong ospital ng lalawigan. Ipinatawag ng gobernador ang pamunuan ng Provincial Health Office (PHO) upang isa-isahin ang mga kinakaharap na problema at agad itong mabigyan ng solusyon.
Sa isang closed-door meeting na ginanap sa Kapitolyo, naging bahagi rin ng talakayan ang mga kilalang eksperto sa larangan ng kalusugan na sina Dr. Eric Tayag, Dr. Gigi Janairo, at Dr. Bong Bueno. Layunin ng pagpupulong na maglatag ng konkretong plano para maisaayos ang serbisyo at pasilidad sa mga ospital ng probinsya.
Kabilang sa mga pangunahing isyung tinalakay ay ang kakulangan ng mga gamit medikal, kakapusan sa tauhan tulad ng mga doktor at nars, at ang reklamo ng ilang pasyente tungkol sa mabagal na serbisyo at hindi kaaya-ayang pakikitungo ng ilang kawani.
Binigyang-diin ni Governor Aragones na hindi sapat ang basta’t magreklamo lamang. “Kailangan nating tugunan ang mga ito nang mabilis, maayos, at may malasakit,” aniya. Ayon sa kanya, prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagpapabuti ng serbisyo medikal sa bawat sulok ng Laguna.
Iminungkahi naman ng mga consultant ang agarang pag-review ng operational systems ng bawat ospital, at ang pagpapalakas ng training programs para sa mga kawani upang mapabuti ang kanilang pakikitungo sa publiko. Isa rin sa mga plano ay ang paggamit ng digital tools para sa mas mabilis na pasilidad ng pasyente.
Nag-commit din ang PHO na magsumite ng komprehensibong ulat sa susunod na linggo upang magsilbing batayan sa gagawing health reform program ng bagong administrasyon. Kasama rito ang pagsusuri sa bawat district at community hospital.
Umaasa si Governor Aragones na sa tulong ng mga eksperto at sa pakikiisa ng bawat sangay ng pamahalaan, mareresolba sa lalong madaling panahon ang mga isyung kinakaharap ng mga ospital. “Hindi natin hahayaang manatili sa sakit ang sistema ng kalusugan sa Laguna,” mariing pahayag ng gobernador.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, nagkaroon ng initial commitment ang bawat ahensyang lumahok na iprayoridad ang kalusugan bilang pundasyon ng mas malakas at mas maunlad na Lalawigan ng Laguna.
0 Comments