𝐋𝐢𝐛𝐮-𝐥𝐢𝐛𝐨𝐧𝐠 𝐋𝐚𝐠𝐮𝐧𝐞𝐧𝐬𝐞, 𝐍𝐚𝐠𝐤𝐚𝐢𝐬𝐚 𝐬𝐚 𝐊𝐚𝐦𝐩𝐚𝐧𝐲𝐚 𝐧𝐠 𝐀𝐥𝐲𝐚𝐧𝐬𝐚 𝐏𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐁𝐚𝐠𝐨𝐧𝐠 𝐏𝐢𝐥𝐢𝐩𝐢𝐧𝐚𝐬
Santa Rosa City, Laguna – Libu-libong residente ng Laguna ang nagtipon upang magpahayag ng suporta sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa kanilang campaign rally na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Marso 22 sa East Bloc, Nuvali, Santa Rosa City.
Ang Alyansa ay isang koalisyon ng limang pangunahing partido—Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), at National Unity Party (NUP). Layunin ng alyansa na itulak ang mga polisiyang magpapalakas sa lokal na industriya, magpapaunlad ng imprastraktura, at magpapalawak ng mga serbisyong pampubliko sa lalawigan.
Sa kanyang talumpati, muling binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagkakaisa at hinimok ang mga taga-suporta na iboto ang kanyang "11 kaalyado" sa Senado sa darating na halalan sa Mayo 12.
“Magkaisa po tayo sa ating Alyansa, at huwag nating gawing Alyansa lamang nitong… 11 na tao, 11 na kandidato na tumatakbo bilang Senador na kasama sa Alyansa,” ani ng Pangulo.
Gayunpaman, kapansin-pansin ang hindi pagdalo ng kanyang kapatid na si Senator Imee Marcos at ni Las Piñas Representative Camille Villar, na parehong hindi nakadalo sa ikatlong sunod na Alyansa rally—mula Tacloban, Cavite, at Laguna. Sa kabila nito, pinasalamatan ni Pangulong Marcos Jr. si Santa Rosa City Mayor Arlene Arcillas sa buong-suportang ipinakita para sa kanilang alyansa.
Sa isang panayam, sinabi ng campaign manager ng alyansa na si Toby Tiangco na walang planong alisin ang sinuman sa kanilang line-up sa kabila ng mga no-show incidents. Aniya, mas makabubuting personal na ipaliwanag ng mga absent na kandidato ang kanilang mga dahilan.
Bago ang rally, nagsagawa rin ng press conference ang ilang miyembro ng alyansa, kabilang sina dating DILG Secretary Benhur Abalos, Senator Francis Tolentino, Makati Mayor Abby Binay, Congressman Erwin Tulfo, at dating mga senador na sina Ping Lacson at Tito Sotto. Sa naturang media briefing, nagbahagi sila ng kanilang mga pananaw at sagot sa mga katanungan ng mga mamamahayag hinggil sa kanilang mga plano at adbokasiya. (Shekinah Esteban)
0 Comments