Matapos talakayin ang ‘dream killers’ na humahadlang sa tagumpay, ibinaling naman ni Senator Alan Peter Cayetano sa ‘dream builders’ ang talakayan sa pinakabagong episode ng ‘CIA 365 with Kuya Alan.’
“Ano naman ang dream builders? Ano naman yung seeds of success sa ating pangarap, sa ating panaginip, sa ating Filipino dream?” wika niya.
Ibinahagi ni Cayetano ang tatlong pangunahing elemento ng isang ‘dream builder:’ vision, community, at preparation.
Binigyang diin niya na ang malinaw na layunin at matibay na motibasyon ay mahalaga upang makamit ang tagumpay.
“The first thing na gusto ko i-share tonight is vision and purpose as dream builders,” wika niya.
Ginamit niya bilang halimbawa si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, na bago pa man magtagumpay ay naisip na niyang makakamit niya ito.
“Before she became an Olympic gold medalist, nakita na niya yung sarili niya… nakita na niya yung flag, nakita na niya yung medalya sa kanyang dibdib,” wika niya.
Binanggit din ni Cayetano ang papel ng komunidad sa pagpapanatili ng motibasyon ng isang tao.
Ikinumpara niya ang lakas ng isang komunidad sa sama-samang pagtutulungan at kung paano mas madaling manatili sa pangarap kung may mga taong may parehong pananaw at adhikain.
“Dream builders are a community. When I say community, ano po sabi ng Diyos? ‘If there are two or more gathered in His name, nandiyan Siya in their midst,’” wika niya.
Binigyang diin din ng senador ang kahalagahan ng paghahanda, na ayon sa kanya ay isang mahalagang hakbang upang maisakatuparan ang mga pangarap.
“Vision, community, preparation—these are what build dreams,” wika niya.
Ang ‘CIA 365 with Kuya Alan’ ay ang arawang kumustahan ni Cayetano sa publiko kung saan tinatalakay ang iba’t ibang paksa sa pamamagitan ng kanyang official Facebook page.
0 Comments