Anilag Festival 2025, Muling Magpapasigla sa Turismo at Kultura ng Laguna

Anilag Festival 2025, Muling Magpapasigla sa Turismo at Kultura ng Laguna

SANTA CRUZ, LAGUNA – Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ay muling magdaraos ng  Anilag Festival 2025 mula Marso 9 hanggang 15, kung saan tinitiyak na ang pagdiriwang ay magiging mas kapana-panabik, mas makulay, mas maingay at mas masaya kaysa dati. Ito ay sa pangunguna pa rin ng Ama ng Lalawigan Gobernador Ramil L. Hernandez.
LAGUNA GOV RAMIL HERNANDEZ 

Ang iba't ibang aktibidad ay magpapakita ng mayamang kultura, kasaysayan, at produkto ng probinsya. 
Gaganapin ang pangunahing pagdiriwang sa Provincial Capitol Compound sa Santa Cruz, kung saan inaasahang dadagsa ang mga turista, residente, at lokal na negosyo upang makiisa sa isang linggo na selebrasyon.
CONG. RUTH HERNANDEZ 

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang Anilag Festival o “Ani ng Laguna” ay nagsimula noong 2004 bilang pagpapahalaga sa kasaganaan ng ani at likas na yaman ng lalawigan. Ngayon, kinikilala ito bilang “Ina ng Lahat ng Pista sa Laguna” dahil sa pagsasama-sama ng iba't ibang festival mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng lalawigan.

Tulad ng mga nakaraang taon bubuksan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang fluvial parade bilang paggalang sa itinuturing na patron ng Festival, ang Nuestra Señora Del Dolores De Turumba. Ito ay susundan ng isang Banal na Misa na pangungunahan ng obispo ng Diocese ng Lungsod ng San Pablo. Sa araw ding yan ay isasagawa ang pagbubukas ng Trade Fair Competition sa pamamagitan ng mga naggagandahang booth na talaga namang pinaghandaan ng mga lokal na pamahalaan ng lalawigan. Sa Trade Fair na ito ay itatanghal ng iba't ibang bayan ang mga produkto at mga sariling likha na tunay namang ginawa at dinesenyo ng mga Lagunense. Kasunod nito ay paparada sa buong bayan ang mga naggagandahang Land Float na sumasagisag sa sining at kultura ng bawat bayan. Susundan pa ito ng mga street dancers ng bawat bayan na inaasahang magdaragdag ng kulay at saya ng festival.
MS PAMELA BAUN LTCATO HEAD

Inaasahan din na ang mga susunod na araw ay mas kapana-panabik sa bawat Lagunense. Mas makulay ang ipinangakong hatid ng mga paligsahang pangkagandahan na ukol sa mga bata na parang mga munting anghel sa ating lalawigan, mga Mr. and Mrs, na ang ipinagmamalaki ay ang walang kupas nilang kariktan at ang mga mala-lakan na katawan ng ating mga kalalakihan, isama pa rito ang ating mga Lolo at Lola na sa kanilang edad ay nananatili ang pagiging bata ng kanilang puso. Kasabay din sa araw na ito ang isang eleganteng Wedding Expo na para naman sa nagbabalak na makipag-isang dibdib.

Isa pa sa mga dapat abangan ay ang pagtitipon at paligsahang Inihanda ng sektor ng ikatlong lahi o ang mga LGBT. Bilang isang lipunan na bukas ang pananaw, binigyang pansin rin ng pamahalaang panlalawigan ang ganitong sektor na magpamalas din ng kanilang angking kagalingan. Hindi rin mawawala ang Landscape Competition dahil ang Laguna ay isa sa itinuturing na nagbibigay ng malaking produksyon sa paghahalaman. Tiyak na dudumugin din ng mga tao ang Cosplay Competition na pina-nanabikan din ng ating mga kababayan.

Mula naman sa sangay ng agrikultura ay nariyan ang mga natatanging Ani ng Laguna upang ipakita ang mga produkto, ani at likhang sining ng ating lalawigan. Isasagawa rin na magdadagdag ng saya ang Zumba Competition mula sa iba't ibang lokal na pamahalaan, Fun Bike Ride at Kite Flying Festival na taon-taon ay nagbibigay din ng sigla sa pagdiriwang.

Para naman sa mga fur parents kung tawagin, bibigyan din sila ng pagkakataon na ibida ang kanilang mga alagang hayop sa pamamagitan ng Furry Run for Fun na inihandog naman ng Provincial Veterinary Office; kaalinsabay naman ng pagbibida ng mga naggagandahang motorsiklo at iba pang sasakyan sa Car and Motor Show.

Isa rin sa tiyak na dadagsain ng mga bisita ay ang Ginoo at Binibining Laguna kung saan dito ibibida ang naggagandahang kababaihan at kalalakihan na pinagmamalaki ng ating Lalawigan, at marami na sa sumali sa ganitong kumpetisyon ang nalpapadala sa mga national at international competitions, at ang iba ay pumapasok naman sa pinilakang tabing. Sila ang mga anak ng Laguna na nagsimula sa ANILAG Festival.

Sa pagtatapos ng isang linggong pagdiriwang ay muling magbubukas ang umaga sa isang Banal na Pagpapasalamat sa pamamagitan ng pagmimisa, at ang muling pag-aalay sa mahal na patron ng festival. Ngunit di matatapos ang kasiyahan kung di makakasama ang tatak Laguna ng Enchanted Kingdom na magbibigay ng naiibang pagtatanghal; at ang hindi mahulugang karayom sa dami ng manonood ng "People's Night Extreme" kasabay ng Pyro Musical Display and Competition na gaganapin sa Laguna Sports Complex.

Ang ANILAG ay saklaw ng LOVE LAGUNA Tourism Campaign, isang aktibong kampaniya na pinangungunahan ng ating kinatawan ng Ikalawang Distrito na maybahay naman ng mahal nating Gobernador, si Gobernadora Ruth M. Hernandez, na naglalayon na panatilihing buhay ang sining. kultura, ekonomiya at turismo ng lalawigan, mga dahilan kung bakit dapat lalo nating mahalin at ipagmalaki ang LAGUNA. 
(Shekinah Esteban)

Post a Comment

0 Comments