*E-Governance bill ni Cayetano, malapit nang maaprubahan sa Senado*
Isang hakbang na lang ang kailangan para maaprubahan sa Senado ang panukalang batas na naglalayong gawing digital ang mga proseso at serbisyo ng gobyerno matapos nitong pumasa sa Second Reading nitong Martes.
Sa plenary session nitong January 21, ipinresenta ng sponsor na panukala na si Senador Alan Peter Cayetano ang kanyang amendments para sa Senate Bill No. 2781 o ang ‘E-Governance Act.’
Kasabay nito ang amendments rin mula kina Minority Floor Leader Senator Aquilino Pimentel III at Senator Sherwin Gatchalian.
Umusad ang panukalang batas wala pang isang linggo matapos nitong pumasa sa period of interpellation.
Layunin ng E-Governance Act na atasan ang lahat ng ahensya at opisina ng gobyerno na maging bahagi ng iisang digital system.
Sa ilalim nito, magbabalangkas ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng isang national framework na magiging gabay ng lahat ng ahensya tungkol sa technical at informational standards na kailangan para maging digitally integrated sila.
Ibabatay ang framework na ito sa isang komprehensibong master plan na ia-update kada tatlong taon upang makasabay sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Bahagi ng plano ay ang pagbuo sa isang “regulated, secure, and robust” na network na tatawing “Integrated Government Network” o IGN, kung saan itutugon ang lahat ng digital platform ng gobyerno para maging konektado ang mga ito sa isa’t isa.
Sa pamamagitan nito ay magiging madali ang pag-access at palitan ng mga datos at impormasyon sa pagitan ng lahat ng opisina ng gobyerno.
Layunin ng lahat ng ito na pasimplehin ang kabuuang experience ng Pilipino sa pakikipagtransaksyon sa gobyerno: wala nang mahabang linya o paglipat sa iba’t ibang app para ma-access ang mga serbisyo ng gobyerno.
Nauna nang binigyang diin ni Cayetano, na chairperson ng Committee on Science and Technology, ang kahalagahan ng paggamit ng teknolohiya para sa nation-building.
“It is not per se the solution to all of our problems, but it is a tool that, if used effectively and assigned properly to various agencies, can address many of our challenges today,” wika niya sa ginanap na plenary debate noong nakaraang linggo.
Punto niya, pangunahing isyu sa mga kasalukuyang digital platforms ng gobyerno ay hindi interoperable ang mga ito, isang hamon na masosolusyunan ng E-Governance Act.
“This bill is actually a product of the experience of the DICT in the last few years. This is to emphasize and articulate what they need,” aniya.
Nagpahayag naman ng suporta sa panukala ang iba pang mga senador, kabilang si Minority Leader Pimentel na nagpasalamat kay Cayetano sa pagsulong nito.
“The times have changed. Talagang very critical na po itong DICT,” pahayag ni Pimentel noong nakaraang linggo.
Nakatakdang aprubahan ang panukalang batas sa Ikatlo at Huling Pagbasa sa mga darating na sesyon.
✍️ Admin Roy Tomandao
0 Comments