Laguna - Ibinida ng lokal na pamahalaan ng Los Baños, Laguna ang kapanapanabik na ika-23 Bañamos Hotspring Baths Festival na may siksik na mga programa at aktibidad. Sa naganap na press conference na pinangunahan ni Los Baños Mayor Anthony “Ton” Genuino at ng mga organizer ay naihayag ang mga detalye tungkol sa nalalapit na festival at ang pagdiriwang ng ika-409 Founding Anniversary ng bayan na may temang "Patuloy ang progreso sa matatag na bayan ng Bagong Los Baños”.
Ayon sa punong bayan, “Mas lalong nag-aapoy ang sigla ng Bagong Los Baños sa pagdiriwang ng ika-23 Bañamos Festival na mas makulay, mas masaya, mas nakakaaliw at makalikasan na Bañamos 2024 mula Setyembre 17 hanggang Setyembre 22.”
Tampok sa selebrasyon ang Thanksgiving Mass, Carnival Fair, at LB Awards na nagbibigay parangal sa Iconic Businesses, Top 10 Tax Payer at Distinguished Citizen, Barangay Night, Miracles of Makiling Cultural Show, Zumbaños, Bañamos Aquagames, Mister and Miss Bagong Los Baños 2024, Color Clun, Hot Air Balloon Fiesta, Balye sa Kalye, Grand Revelry "Colors of Bañamos", Bañamos Market Bazaar, at Civic Shower Parade.
Samantala, ang Makiling Photography Contest, Flower and Garden Show, Murals of Makiling, Padyak LB Kiddie Edition at ang Drone Light Show ay kaabang-abang sapagkat ito ay mga bagong programa at aktibidad ng festival.
Nagpasalamat ang LGU Los Baños sa tulong ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) sa pangunguna ni Chancellor Jose V. Camacho Jr., PHSA sa pamumuno ni Dir. Greg Zuniega, TRACE College sa pamumuno ni Angeli G. Siytiap-Vice President at Centtro Mall sa pamumuno ni Chairman Efraim Genuino at sa suportang nailaan nila sa pagdiriwang ng ika-23 Bañamos Festival.
May mga ilang hotspring at non-hotspring hotel resorts sa bayan ang magbibigay ng diskwento sa lokal sa loob ng 6 na araw ng pagdiriwang ng “hotspring baths” festival.
Ang 23rd Bañamos Festival ay patunay na ang bayan ay patungo sa patuloy na matatag at progresibong Bagong Los Baños. Ito ang selebrasyon ng makulay na kasaysayan, kultura at mga ipinagmamalaking mamamayan na tubong Los Baños sa pamamagitan ng mga parade, pagsasayaw, exhibit, talent search at mga pagtatanghal.
0 Comments