₱5 Milyong Pondo para sa “Ang Bagong Ako Center,” Ipinagkaloob sa Santa Rosa Kasabay ng Pagdiriwang ng IDADAIT
SANTA ROSA CITY, Laguna – Isang malaking hakbang sa pagpapalakas ng kampanya laban sa ilegal na droga ang isinagawa sa Lungsod ng Santa Rosa matapos pormal na ipagkaloob ng Dangerous Drugs Board (DDB) ang ₱5 milyong pondo para sa pagtatayo ng karagdagang pasilidad ng “Ang Bagong Ako Center.” Ang turnover ng tseke ay isinagawa kasabay ng pagdiriwang ng International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking (IDADAIT) noong Hunyo 22, 2026 sa City Auditorium.
Pormal na tinanggap nina Mayor Arlene B. Arcillas, Vice Mayor Arnold B. Arcillas, at Congressman Roy Gonzales ang tseke mula sa DDB. Ayon kay Mayor Arlene B. Arcillas, ang pondong ito ay malaking tulong upang higit pang mapalawak ang mga serbisyong rehabilitasyon at paggabay sa mga nais magbagong-buhay. Aniya, "Ang 'Ang Bagong Ako Center' ay hindi lamang isang pasilidad kundi simbolo ng pag-asa at pangalawang pagkakataon.
Patuloy nating palalakasin ang mga programang nagbibigay ng bagong direksiyon sa buhay ng ating mga kababayan."
Kasabay ng turnover ceremony ay isinagawa rin ang Multi-Sectoral Drug Summit sa pangunguna ng City Anti-Drug Abuse Office (CADAO). Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba't ibang tanggapan ng pamahalaan, mga opisyal ng barangay, kabataan, at iba pang sektor upang pagtibayin ang sama-samang kampanya laban sa ilegal na droga at isulong ang isang ligtas at mapayapang komunidad.
Nagpahayag naman si Vice Mayor Arnold B. Arcillas ng kanyang buong suporta sa mga programang kontra-droga ng lungsod. Ayon sa kanya, "Ang tagumpay ng laban kontra ilegal na droga ay nakasalalay sa pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan. Sa pamamagitan ng edukasyon, rehabilitasyon, at aktibong pakikilahok ng komunidad, mas marami tayong mabibigyan ng pagkakataong makapagsimulang muli."
Sa pamamagitan ng bagong pondong ipinagkaloob ng Dangerous Drugs Board at ng patuloy na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at iba't ibang sektor, inaasahang higit pang mapapalakas ang mga programang rehabilitasyon at preventive education sa Santa Rosa. Patunay ito ng matatag na hangarin ng lungsod na makamit ang isang mas ligtas, mas maayos, at tunay na drug-free na pamayanan.
0 Comments