BOKAL ARVIN MANGUIAT, NAGHAIN NG MGA RESOLUSYON PARA PAIGTINGIN ANG KALIGTASAN NG MGA MAG-AARAL SA LAGUNA

BOKAL ARVIN MANGUIAT, NAGHAIN NG MGA RESOLUSYON PARA PAIGTINGIN ANG KALIGTASAN NG MGA MAG-AARAL SA LAGUNA

CALAMBA CITY, Laguna — Bilang tugon sa mga naitatalang insidente ng karahasan sa ilang paaralan, naghain si Laguna Board Member at Calamba City Councilor Hon. Arvin L. Manguiat ng dalawang mahalagang resolusyon na naglalayong paigtingin ang seguridad at proteksyon ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Calamba City at sa buong lalawigan ng Laguna.
Ang unang resolusyon ay humihimok sa Department of Education (DepEd)–Calamba na higpitan ang pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad at tiyakin ang mahigpit na implementasyon ng Anti-Bullying Act of 2013 sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.
Samantala, ang ikalawang resolusyon ay nananawagan naman sa Department of Education (DepEd)–Laguna na ipatupad ang mas pinaigting na mga polisiya sa seguridad sa lahat ng paaralan sa buong lalawigan upang maprotektahan ang kapakanan ng mga estudyante.
Ayon kay Manguiat, hindi na dapat hintayin pa ang panibagong trahedya bago kumilos ang pamahalaan at mga kinauukulang ahensya.
"Hindi natin kailangang maghintay ng panibagong insidente bago kumilos. Dapat pro-active tayo—hindi lamang sa pagtugon sa mga insidente kundi higit sa lahat sa pag-iwas na mangyari ang mga ito," ani Manguiat.
Iginiit din niya na ang pagkakaroon ng ligtas na kapaligiran sa paaralan ay mahalagang hakbang upang matiyak ang maayos na pag-aaral at kinabukasan ng kabataan.
Ang mga inihain niyang resolusyon ay inaasahang magsisilbing gabay upang higit pang mapalakas ang koordinasyon ng mga paaralan, lokal na pamahalaan, at Department of Education sa pagpapatupad ng mga programang naglalayong mapanatili ang kapayapaan, disiplina, at seguridad sa loob ng mga paaralan.
"Ligtas na paaralan. Protektadong kabataan. Mas maayos na kinabukasan." Ito ang mensaheng isinusulong ni Board Member Arvin Manguiat sa kanyang adbokasiya para sa kapakanan ng mga mag-aaral sa Laguna.
Ulat ni Roy Tomandao
Balita Ngayon Online News

Post a Comment

0 Comments