MOU NILAGDAAN NG PAGSANJAN AT OSDONE PARA SA AGRI-AQUA AT WASTE MANAGEMENT PROGRAM
Pagsanjan Laguna --Isang mahalagang hakbang tungo sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapalakas ng kabuhayan ang isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng Pagsanjan matapos nitong lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) kasama ang OSDONE Agri-Aqua Development Corporation mula sa Pila, Laguna.
Layunin ng kasunduang ito na paigtingin ang tamang pangongolekta at pagproseso ng mga nabubulok na basura, partikular ang food waste, upang mapakinabangan pa sa halip na masayang.
Ayon kay Punongbayan Januario “Ferry” Garcia, ang naturang inisyatibo ay isang konkretong hakbang upang gawing kapaki-pakinabang ang mga basura at sabay na makalikha ng dagdag na pagkakakitaan para sa mga mamamayan.
Binigyang-diin niya na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at pribadong sektor, maisusulong ang mas malinis na kapaligiran at mas maunlad na komunidad. Hinikayat din niya ang bawat Pagsanjeño na makiisa at maging responsable sa tamang segregasyon at pamamahala ng basura.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, bibigyang-pansin ang makabagong paraan ng pagre-recycle at pag-utilize ng organic waste na maaaring gawing pataba o pakain sa aquaculture. Malaki ang inaasahang benepisyo nito hindi lamang sa kalikasan kundi pati na rin sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda.
Tampok din sa programa ang Information and Education Campaign hinggil sa tamang pangangalaga at pagpaparami ng Australian crayfish bilang alternatibo sa sugpo na mas abot-kaya para sa mga mamamayan. Nagkaroon din ng “catch and eat” activity sa farm ng OSDONE kung saan personal na naranasan ng mga kalahok ang potensyal ng naturang industriya.
Dumalo at sumaksi sa nasabing paglagda sina Pangalawang Punong Bayan Rod Fernandez, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at mga kinatawan mula sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at Municipal Agriculture Office (MAO).
Ang kanilang pakikilahok ay patunay ng sama-samang suporta sa programang naglalayong pagsamahin ang pangangalaga sa kalikasan at pag-unlad ng kabuhayan.